wala na
mukha mo ngayo'y di nakikita
maski ang 'yong buhok na kumakaway
mistulang anino sa buwan
na 'di ko na nais maaninag
wala na
tinig mo ngayo'y di naaalala
himig ng iyong paghinga'y
katahimikang maingay
ang saki'y di na pilit sinasabay
wala na
yakap mo ngayo'y di nadarama
ang iyong halik na dati'y nagbabaga
ngayon ay abong tinatangay
ng ulang tapos nang maghinagpis
ang dating halimuyak na dumadampi
ngayon ay wala na -
wala na sa paggising
ang dating matamis na naging mapait
ngayon ay wala na -
wala na sa aking labi
'di na maibabalik dahil wala na sa panaginip
tuyo na ang waig; bakas mo'y nadaig
tuluyan nang nakasara
ang bukas nating dalawa
paalam
No comments:
Post a Comment